Inanunsyo ng internet giant na Google na hindi na muna sila tatanggap ng election advertisements sa Pilipinas para sa mga kandidato.
Sa kanilang abiso, sinabi ng kompaniya na hihigpitan nila ang anumang ads na may kinalaman sa halalan, lalo na sa mismong campaign period sa Pebrero 8, 2022 at sa araw ng halalan sa Mayo 9, 2022.
Nakatuon umano ang kanilang atensyon sa product features, media literacy programs, paglahok sa voting process at pagprotekta kasagraduhan ng halalan.
Saklaw ng policy ang election advertisements na lumalabas sa Google Ads, Display and Video 360, shopping platforms at Google, YouTube, pati na ang iba pa nilang partner properties.
“This policy will apply to election advertisements that are purchased through Google Ads, Display and Video 360, and Shopping platforms that advertisers intend to place on Google, YouTube, and partner properties,” saad ng kanilang abiso.
Naniniwala naman ang ilang political analyst na mas marami pa rin ang gagamit ng traditional media, kagaya ng radyo, para mas maraming marating ng kanilang pagpapakilala, lalo na ngayong limitado pa ang mga byahe kung susunod sa health protocols dahil sa COVID-19 pandemic.