-- Advertisements --

Hinamon ni Batangas 1st District Rep. Leandro Legarda Leviste ang Malakanyang na beripikahin ang hawak niyang datos na mula mismo sa dating DPWH USec. Catalina Cabral.

Tugon ito ni Leviste sa naging pahayag ni Palace Press Officer USec. Claire Castro na  tanging mga dokumentong opisyal na napatotohanan ng DPWH ang kikilalanin ng Malacañang. 

Giit ni USec. Castro, ang iba ay ituturing na “hearsay o tsismis” na walang sapat na batayan.

Bilang tugon, sinabi ni Leviste na maaaring direktang kumpirmahin ni USec. Castro ang mga datos kay Secretary Vince Dizon. 

Aniya, madaling mabeberipika ang mga dokumento sa pamamagitan ng mga rekord at komunikasyon mula sa dating tanggapan ng DPWH. 

Sinabi ng Kongresista, napag-usapan na nila ni Dizon ang paglalabas ng impormasyon noong Setyembre, ngunit nauunawaan niyang maaaring naantala ito dahil may ilang humiling na huwag munang ilantad ang kanilang mga pangalan.

Binigyang-diin ni Leviste ang kahalagahan ng transparency sa DPWH, at nilinaw na ang malaking badyet ng isang distrito ay ginagamit sa mga proyekto at hindi awtomatikong nangangahulugan ng personal na benepisyo para sa sinumang mambabatas.

Inilabas ni Leviste ang mga dokumento kaugnay ng ₱3.5 trilyong badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH) mula 2023 hanggang 2026, na ayon sa kanya ay opisyal na datos na ibinigay ng DPWH sa pahintulot ni Public Works Secretary Vince Dizon.

Kasama sa inilabas na datos ang detalye ng ₱401.3 bilyong “allocable” budget na maaaring ipamahagi taun-taon sa mga distrito ng mga kongresista, batay sa mga file mula sa tanggapan ng yumaong Undersecretary Catalina Cabral.