Nagboluntaryong maging moderator si Atty. Rodel Taton kung magkakaroon man ng debate sa pagitan nina Bicol Saro Partylist Representative Terry Ridon at Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste.
Sa social media post ng abogado, naniniwala siyang tiyak na magiging ‘interesting’ ang naturang debate, lalo na sa mga manunuod.
Kasabay nito ay hinimok din ng batikang abogado ang publiko na mag-suggest ng mga topikong maaring maging sentro ng debate sa pagitan ng dalawang kongresista.
Si Atty. Tatton ang nagsisilbi bilang dean ng Graduate School of Law sa San Sebastian College-Recoletos (SSC-R) sa Manila, at experto sa international law.
Kung babalikan ang away sa pagitan nina Ridon at Leviste, nag-ugat ito sa panawagan ng partylist representative sa Batangas lawmaker na ilabas na agad ang nilalaman ng Cabral files na umano’y ipinasakamay sa kaniya ng namayapang si Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Catalina Cabral.
Sumagot naman si Leviste at sinabing mayroong hanggang P150 million na insertion ang mambabatas sa 2025 budget, batay sa nilalaman ng Cabral files.
Buwelta ni Ridon, hindi pa siya mambabatas noong panahong binubuo ang 2025 budget, ngunit ayon kay Leviste, ang naturang pondo ay isiningit ng kaniyang partylist.
Sa ngayon, wala pang kumpirmasyon sa pagitan ng dalawang mambabatas kung magkakaroon o matutuloy ang debate.













