-- Advertisements --

Nagbabala ang Philippine Space Agency (PhilSA) sa mga debris na posibleng bumagsak mula sa space rocket na pinalipad ng China.

Batay sa report na inilabas ng PhilSA, naglunsad muli ang Chinese government ng isang Long March 8A rocket mula sa Hainan International Commercial Launch Center sa Wenchang, Hainan.

Isinagawa ito kaninang alas-7:26 ng umaga (Dec. 26), oras sa Pilipinas.

Ayon sa ahensiya, maaaring bumagsak o malaglag ang mga debris sa ilang mga lugar, kasabay ng paglipad nito patungo sa kalawakan.

Natukoy ang mga drop zone sa mga lugar na nasa bisinidad ng Palawan, Sulu, at Basilan, at sa mga lugar na nasa pagitan ng tatlong nabanggit na probinsiya.

Sa Palawan, saklaw nito ang mga islang kinabibilangan ng Rozul Reef Tubbataha Reef, at Recto Bank, ilan sa mga pangunahing tinutungo ng mga mangingisdang Pilipino.

Ipinaalala naman ng ahensiya sa mga residente at mga mangingisda na huwag pulutin o kunin ang mga namamataang debris, dahil sa posibleng panganib na dulot ng mga ito.