Ipinanukala ni Rep. Nathan Oducado ng 1Tahanan Party-list ang isang panukalang batas na may layuning magbigay ng Civil Service Eligibility (CSE) sa mga empleyado ng gobyerno na nasa ilalim ng kategoryang casual at contractual matapos ang hindi kukulangin sa limang taon ng patuloy-tuloy na paglilingkod sa pamahalaan.
Sa pamamagitan ng House Bill 6960, na inihain ni Rep. Oducado, layunin nitong palawakin ang mga benepisyong matatanggap ng mga kwalipikadong empleyado ng gobyerno na kasama sa civil service, pati na rin ang pagbibigay ng mas matibay na seguridad sa kanilang trabaho at mas maraming oportunidad para sa pag-unlad ng kanilang karera.
Binigyang-diin ng Kongresista na ang mga casual at contractual na empleyado ay kadalasang hindi nakatatanggap ng kaparehong benepisyo na tinatamasa ng mga regular o permanenteng empleyado ng gobyerno.
Kabilang sa mga benepisyong ito ang paid leave , 13th month pay, at ang seguridad sa trabaho o security of tenure.
Dagdag pa ni Oducado, ang limang taong karanasan sa trabaho bilang casual o contractual na empleyado ay sapat na katibayan upang patunayan na ang isang empleyado ay mayroong kinakailangang kakayahan at dedikasyon upang maging regular sa kanyang posisyon.
Ang panukalang batas na ito ay sumasaklaw sa mga kawani ng gobyerno na nasa first at second level positions na nakapaglingkod nang tuloy-tuloy at nagpakita ng maayos na performance sa loob ng limang taon.
Gayunpaman, ipinaliwanag ng mambabatas na kailangan pa ring matugunan ng mga empleyado ang mga kaukulang Civil Service Eligibility (CSE) requirements kung sila ay naghahangad ng promosyon sa mas mataas na posisyon.










