-- Advertisements --

Hiniling ni Senate Committee on Finance Chairman Senador Sherwin Gatchalian sa Department of Labor and Employment (DOLE) na agad magsagawa ng employment risk assessment upang matukoy ang posibleng epekto sa trabaho at ekonomiya ng pagbawas sa pondo ng pamahalaan para sa mga proyektong pang-imprastraktura, kasunod ng isyung kinakaharap ng mga flood control projects.

Binigyang-diin ni Gatchalian,  na ang malakihang bawas sa panukalang pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay maaaring makapigil sa mga pamumuhunan sa imprastraktura. 

Ayon sa kanya, mahalagang bahagi ng pag-unlad ng ekonomiya ang gastusin ng gobyerno, dahil ito ay nag-aambag ng humigit-kumulang 15% sa taunang gross domestic product (GDP) ng bansa.

Bagama’t nananatiling layunin ng Finance Committee na matiyak ang katapatan at integridad ng 2026 national budget, pati na ang pag-iwas sa mga iregularidad na naranasan sa 2025 budget, iginiit ni Gatchalian na kailangang maging maingat sa mga posibleng epekto ng pagbabawas sa paggasta sa imprastraktura dahil maaari itong makaapekto sa employment, consumer spending, at pangkalahatang lagay ng ekonomiya.

“Ayaw na nating maulit ang nangyari sa 2025 budget, at gusto nating maging maingat sa mga budget cuts. Sa pagbawas na ito, nakikita niyo ba ang anumang panganib?” tanong ni Gatchalian sa DOLE.

Dagdag pa ng senador, dapat isama ng DOLE sa kanilang pagsusuri ang mga panlabas na salik gaya ng 19% tariff na ipinataw ng Estados Unidos sa mga produktong galing sa Pilipinas, gayundin ang mga umiiral na tensyon sa iba’t ibang bahagi ng mundo, na maaaring makaapekto sa kalakalan at oportunidad sa trabaho.