-- Advertisements --

Binatikos ni Senate Committee on Finance Chairman Senador Sherwin Gatchalian ang Presidential Communications Office (PCO) dahil sa pagkontrata nito sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa isang proyektong imprastraktura na hindi naman kabilang sa pangunahing tungkulin ng PCO.

Ayon sa 2024 Commission on Audit (COA) Report, noong 2019 ay pinayagan ng PCO ang DPWH na itayo ang Phase II ng Government Communication Academy sa Bukidnon na may halagang P45.7 milyon.

Sa ulat naman para sa 2020–2023 ng COA, lumabas na may katulad na proyekto ngunit may mas mataas na halaga na umabot sa P79 milyon. 

Wala nang nakalaang pondo para sa susunod na taon dahil, ayon sa PCO, natapos na raw pondohan ang natitirang 10% ng konstruksyon.

“Bakit may communications office ang PCO sa Bukidnon?” tanong ni Gatchalian. 

Ipinaliwanag ng PCO na ang proyekto, na sinimulan ng nakaraang administrasyon, ay inilaan raw talaga bilang training center para sa mga communication office sa ilalim ng Malacañang at mga kalakip nitong ahensya. 

“Gumastos na tayo ng P124 milyon at 90% na ang progreso ng konstruksyon. Kapag hindi pa ito natapos, magiging white elephant na ito,” ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Finance. 

Kapag natapos na ang proyekto, plano ng PCO na i-donate ang pasilidad sa Northern Bukidnon State College.