-- Advertisements --

Sinisimulan na sa Taguig City ang tatlong makabagong sistema ng COVID-19 testing methods na naging epektibo sa South Korea at iba pang bansang mabilis na nakapigil sa pagkalat ng deadly virus.

Ayon kay Taguig Mayor Lino Cayetano, ginagawa na nila nitong mga nakalipas na araw ang pagsusuri sa mga ospital na may kompletong pasilidad, sinundan nila ito ng barangay-based testing, kung saan pinupuntahan ang mismong tao na kailangang suriin.

Pero ang itinuturing na “gold standard” at “game changer” ng mga eksperto na “drive thru testing” ay nakatakda na ring gawin sa syudad ng Taguig.

Sa paraang ito, ang mga nakakaramdam ng sintomas ng virus o nagkaroon ng contact sa isang COVID patient ay maaari nang maisailalim sa test sa loob lamang ng maikling panahon at hindi na kailangang bumaba sa sasakyan.

Maging si Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ay hinangaan ang paraang ito na nabuo ng pamahalaang panlungsod.

“Taguig drive-thru testing will be a game-changer if they follow the rules and if they use the gold standard for testing,” wika ni Vergeire.