Sumailalim na sa drug testing si Senator Imee Marcos at kaniyang staff kasunod ng mga napaulat na umano’y paggamit ng marijuana ng isang empleyado ng Senado sa loob mismo ng pasilidad ng kapulungan.
Ayon sa opisina ng Senadora, natapos na ang lahat ng kaniyang 38 staff kabilang ang kaniyang security personnel na kaniyang inobligang sumailalim sa 5-panel drug test para sa cocaine, shabu, ecstasy, marijuana at opium.
Sinabi din ng Senadora na walang tumutol sa kaniyang mga staff sa drug test.
Maliban kay Sen. Imee, sumailalim na rin sina Senator Juan Miguel Zubiri at Sen. Raffy Tulfo kabilang ang kanilang staff sa drug testing. Lumabas na negatibo sa ipinagbabawal na droga si Tulfo at kaniyang staff.
Minandato din ni Sen. Loren Legarda ang kaniyang staff para matiyak na drug-free ang kaniyang opisina.
Habang nagpahayag naman ng kahandaan si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na sumailalim sa drug test at kaniyang staff.