-- Advertisements --

Nakakagalit at nakakasuka ang rebelasyon kaugnay sa kontrobersiyal na flood control projects sa privilege speech ni Senator Ping Lacson, kung ito man ay totoo.

Ito ang inihayag ni House Public Order Chairman at Manila Rep. Rolando Valeriano.

Sinabi ni Valeriano nakakagalit ang sistema ng korapsiyon kaya dapat lamang na may managot kung totoo ang naging ulat ni Senator Lacson.

Binigyang-diin ni Valeriano panahon na rin para imbestigahan ang nasabing isyu at panagutin ang mga nasa likod ng mga palpak na flood control projects dahil marami sa ating mga kababayan ang nahihirapan sa tuwing makaranas ng malawakang pagbaha at minsan may mga buhay ang nalalagas.

Dagdag pa ni Valeriano, panahon na rin na linawin ni Oriental Mindoro Rep. Arnan Panaligan ang kaniyang pangalan mtapos siyang pangalanan ng senador.

Naniniwala rin si Valeriano na maaaring may pagkukulang ang Department of Budget and Management sa oversight sa mga inilalabas na pondo kaya naman kailangan nitong suriin nang mabuti kung naipatutupad ang mga proyekto.

At ngayong pormal nang nabuo ang Tri-Committee na mag-iimbestiga sa flood control projects, iginiit ng kongresista na ito ang tamang venue para linisin ang pangalan ng kanyang mga kasamahan sa Kamara at panagutin kung talagang may mga sangkot sa anomalya.

Samantala una ng itinanggi ni Oriental Mindoro Rep. Arnan Panaligan na siya ang nag-proposed ng mga kuwestiyunable at substandard na flood control projects sa kanyang lalawigan.

Sa isang panayam Pinaliwanag ni Panaligan, ang mga flood control project sa Naujan, Baco at iba pang munisipalidad sa kanyang lalawigan ay nakalagay na sa  National Expenditure Program o NEP na dumarating sa Kongreso.

Sabi ni Panaligan,  kapag natanggap na ng Kongreso ang NEP ay nakalista na doon ang mga proyekto kabilang ang mga flood control project.

Ayon pa kay Panaligan, hindi siya nagpalista ng mga proyekto dahil wala siyang papel sa paglilista.

Aniya ang implementor ng proyekto ay ang regional office ng DPWH.

Ibinunyag pa ni Panaligan lahat ng contractor ay nasa region o national wala ni isang contractor na taga Mindoro.

Naniniwala naman si Panaligan na dahil nasira ang mga proyekto mayruong anomalya.