LEGAZPI CITY – Tiniyak ng PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration) na malabo umanong mangyari ang tinatawag na Fujiwhara effect sa dalawang sama ng panahon na binabantayan malapit sa Pilipinas.
Nabatid na bukod kasi sa tatawaging Bagyong Rolly, nakabuntot pa rito ang isa pang sama ng panahon na papangalanang Siony kung pumasok na sa teritoryo ng bansa.
Pero paliwanag ni PAGASA Deputy Administrator for Operations and Services Dr. Landrico Dalida Jr., sa Bombo Radyo Legazpi, nangyayari ang “Fujiwhara effect” kung magkalapit ang distansya ng bagyo.
Matagal umusad at maghihilahan ang dalawang bagyo kaya matagal na nananatili sa ilang lugar na magdudulot ng mas malaking pinsala.
Sa kabila nito, pinag-iingat pa rin ang mga residente na malapit sa risk areas sa pagbaha, pagguho ng lupa, lahar flow at daluyong.
Inaasahang pinakamalapit ang papasok na bagyo sa Bicol pagdating ng hapon sa araw ng Linggo, ayon kay Dalida.
Samantala, nakamonitor na rin ang Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) sa galaw ng bagyo at pinag-aaralan ang mga magiging scenario.
Sa nagdaang Bagyong Quinta, dalawang beses itong nag-landfall sa Albay na nagdulot ng mga pinsala sa mga lugar na naapektuhan.