-- Advertisements --

Hanggang ngayon ay usap-usapan pa rin ang nangyaring upset sa US Open matapos na itinumba ng American player na si Frances Tiafoe ang tennis legend na si Rafael Nadal ng Spain sa fourth round ng nagpapatuloy na 2022 US Open.

Una rito, tinapos ng No. 22 ranked na si Tiafoe ang pamamayagpag ni Nadal sa US Open singles run sa score na 6-4, 4-6, 6-4, 6-3.

frances tiafoe us ope
Frances Tiafoe

Ang 24-anyos na si Tiafoe ay uusad na sa quarterfinals ng prestihiyosong torneyo.

Sunod na laro ni Tiafoe sa men’s single quarterfinals ay sa Huwebes kung saan haharapin niya ang No. 9-ranked na si Andrey Rublev ng Russia.

Aminado naman ang 36-anyos na si Nadal na naapektuhan siya sa buhos na suporta ng mga fans sa kanilang kababayan na si Tiafoe.

Liban nito nagkulang din daw siya sa diskarte kontra sa mas batang nakalaban.

“I don’t think I pushed him enough to make him feel doubt,” ani Nadal. “If you want to be in the quarter-finals of the US Open you have to do things better.”

Sinasabing si Tiafoe ay isa sa maituturing na “great stories of American tennis” dahil sa ang kanyang mga magulang ay tumakas sa civil war sa Sierra Leone hanggang sa mamuhay sila sa Amerika.

“I don’t even know to say right now. I’m almost in tears, he’s one of the greatest of all time but I played unbelievable tennis today,” pahayag pa ni Tiafoe. “When I first came on the scene there were a lot of expectations. It took some time but I’ve been able to develop over the last two years with a great time behind me.”