-- Advertisements --

Tinuro ng dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sina Senators Jinggoy Estrada at Joel Villanueva na nakinabang sa P955-million halaga ng Bulacan flood control proects at may 30 percent “SOP” o standard operating procedure.

Ibinunyag ito ni Engr. Brice Ercison Hernandez dating assistant district engineer ng DPWH Bulacan sa ginanap na pagdinig ng House Tri Committee ngayong araw.

Sinabi ni Hernandez na nagdesisyon na siyang magsalita matapos ma cite in contempt at dinitine ng Senate Blue Ribbon Committee nuong Lunes.

“Habang ako po ay naka-detain, nakapag-isip po ako at nagdesisyon na maglabas ng ilang nalalaman ko sa flood control project base po sa aking matatandaan sa ngayon,” pahayag ni Hernandez sa kaniyang opening testimony.

Ibinunyag ni Hernandez na ginagamit ng mga senador at DPWH officials ang mga district engineers bilang “legmen o bagmen” para sa infrastructure funds.

Sinang-ayunan ni Hernandez ang naging pahayag ni Senator Ping Lacson na ginagamit bilang bagmen ang mga district engineers.

Pinangalanan ni Hernandez sina Senators Estrada at Villanueva, DPWH Undersecretary Roberto Bernardo at ang sinibak na DPWH Bulacan First District Engineer Henry Alcantara na tumatanggap ng pondo o ang 30% project kickbacks. 

Nasa P355 million halaga na proyekto ang may kaugnayan kay Estrada kabilang dito ang construction of flood mitigating structures with pumping stations and floodgates sa Barangays Mercado at Iba sa Hagonoy na nagkakahalaga ng P60 million each; P45-million project sa Mambog Creek, Malolos; P50-million project sa Calero Creek, Malolos; P60-million structure sa Barangay Meyto, Calumpit; P40-million project sa Santo Rosario Creek, Malolos; at P40-million project sa Barangay Carillo, Hagonoy.

Sinabi ni Hernandez ang kaniyang dating Boss na si Engineer Alcantara ang “chief implementer” at nagbigay ng utos sa isang DPWH staff na i-deliver ang cash.

“ Dini-deliver ito nung lumabas ang mga item na ito sa GAA (General Appropriations Act),” pahayag Hernandez.

Nasa P600 million halaga ng projects nuong 2023 projects ang nauugnay kay Senator Villanueva at lahat ito ay river flood mitigation structures sa Balagtas at Bocaue, Bulacan, na nagkakahalaga ng P75 million bawat isa.

Ang 30% SOP para kay Sen. Villanueva ay dinaan kay Alcantara at ang pera ay hinatid sa bahay ng senador sa Bocaue.

“Pasensya na po. Ito pa lang ang aking masasabi sa ngayon. Mabigyan lang po ako ng sapat na oras at pagkakataon na makausap ang mga abogado. Handa na po akong maglabas ng lahat ng nalalaman ko pa,” pahayag ni Hernandez sa Infra Comm panel.