Nanawagan si Senate President Francis “Chiz” Escudero na bawasan ang P250.8 billion pondo para sa mga flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) mula sa panukalang P881.3 billion budget nito para sa 2026.
Ayon kay Escudero, dapat ilaan ang malaking bahagi ng pondo sa edukasyon, kalusugan, at produksyon ng pagkain habang hinihintay ang pagpapatupad ng ADB-funded flood control master plan sa susunod na taon.
Tinuligsa rin niya ang labis na pondo para sa flood control, na higit pa sa P13 billion para sa mga bagong silid-aralan at P52B para sa tulay, ayon sa budget proposal.
Hinimok din ni Escudero ang Department of Budget and Management (DBM) na muling suriin ang DPWH budget at limitahan ang flood control projects para sa mga lugar na totoong bahain.
Samantala, iginiit ng mga lider ng Kamara na ibalik ang panukalang 2026 national budget sa DBM para ayusin ang alokasyon, kabilang na ang sa flood control projects. Nangako ang DBM at DPWH na rerebisahin ang panukala.
Sa gitna ng kontrobersiya, nadawit si Escudero sa Centerways Construction and Development, isa sa top 15 contractors ng flood control projects.
Inamin niyang tumanggap siya ng P30 million na campaign donation mula sa presidente nitong si Lawrence Lubiano noong 2022, pero itinangging may kinalaman siya sa mga operasyon ng kumpanya.