Mahigpit pa rin na ipinapatupad ang mga preventive measures sa Quiapo Church sa Lungsod ng Maynila bilang pag-iwas na kumalat ang coronavirus disease.
Alas-singko pa lang ng umaga ay bumuhos na ang mga deboto sa nasabing simbahan para dumalo sa first Friday mass ngunit 50 katao lamang ang papayagan na makapasok sa loob.
Sa labas ng Plaza Miranda ay kaagad na makikita ang mahabang pila ng mga tao na nagnanais makapasok ng simbahan. May nakalagay na yellow markings sa sahig upang mapanatili ang social distancing ng mga magsisimba.
May mga hijos del Nazareno rin na nagbabantay sa labas ng Quiapo para siguraduhin na nasusunod ng maayos ang protocols ng simbahan.
Bago naman makapasok sa sa simbahan ay kakailanganin munang dumaan ng bawat isa sa temperature check para siguraduhin na walang lagnat ang mga ito.
Kahapon ay inanunsyo ni Presidential Spokesman Harry Roque sa ginanap na press briefing ng Inter-Agency Task Foce (IATF) na papayagan na ang religious gatherings sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) ngunit 50% lamang ng normal na bilang ng mga magsisimba ang maaaring pumasok.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Volvic Fernandez, deboto ng Itim na Nazareno, sinabi nito na labis ang kaniyang nararamdamang saya dahil matapos ang dalawang buwan na pagkakakulong sa bahay dahil sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ay muli itong nakapagsimba.
Dasal umano ni Fernandez na matapos na ang pandemic na nararanasan ng buong mundo upang makabalik na sa normal ang pamumuhay ng lahat.
Hanggang alas-singko ng hapon lamang bukas ang Quiapo Church para sa huling misa. Kaagad isasara ang buong paligid ng simbahan upang i-disinfect maging ang Plaza Miranda.