Cavs Jordan Clarkson

Bumida ang Filipino American player na si Jordan Clarkson sa panalo ng Cleveland Cavaliers upang masilat ang Memphis Grizzlies sa score na 114-107.

Nagtala si Clarkson ng season high na 33 big points kabilang na ang anim na three-pointers.

Malaki rin ang naiambag ni Kevin Love na kumamada ng 21 points at 13 rebounds upang pagtulungan nila ang ika-walong panalo pa lamang ng Cavs ngayong season.

Agad namang nagpaabot nang papuri ang bagitong head coach ng Cavs na si John Beilein sa malaking effort ng koponan sa fourth quarter lalo na ang ipinakitang magandang opensa ni Clarkson.

Nagawang makabangon ng Cavs sa 12 point deficit sa unang bahagi ng fourth quarter hanggang sa mahabol nila ang kalamangan ng Grizzlies.

Dahil sa dikitang laban ng magkaribal umabot sa 25 ang palitan ng lead at 16 na beses naman na nagtabla ang dalawa.

Ito na ang ikalawang sunod na masaklap na pagkatalo ng Memphis (10-19) habang ang Cleveland (8-21) naman ay naiposte nila ang magkasunod na panalo na kahapon ay laban sa Hornets, 100-98.

Sa Martes host ang Grizzlies sa laban nila ng Sacramento.

Ang Cavaliers naman ay haharapin ang Atlanta.