Na-divert pabalik ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang Saudi Airlines flight, isang oras matapos mag-take off dahil sa technical issue.
Kinumpirma ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang naturang insidente na nangyari kaninang madaling araw ngayong Huwebes, Hulyo 3.
Ayon sa ahensiya, umalis ang flight SVA 871 sa NAIA dakong alas-11:52 ng gabi ng Miyerkules.
Subalit dakong alas-12:51 ng madaling araw ngayong Huwebes, iniulat ng Manila Area Control Center na na-divert pabalik ang flight dahil sa weather radar malfunction.
Sa kabila ng insidente, ligtas namang nakalapag sa NAIA ang eroplano na may sakay na 263 pasahero bandang ala-1:25 ng madaling araw.
Nitong hapon ng Huwebes, nasa remote parking ng Terminal 1 ng NAIA ang naturang aircraft.
Samantala, masusi namang nakikipag-ugnayan ang CAAP sa airline at sa aviation authorities para matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at mapanatili ang kahandaan sa operasyon sa lahat ng oras.