NAGA CITY – Sobrang pagod ang nakita ng isang basketball coach sa players ng Golden State Warriors matapos na mabago ang momentum na sinimulan ng team sa Game 4 ng NBA Finals laban sa Toronto Raptors.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Coach JC Nuyles ng Ateneo de Cebu, sinabi nito na hindi na naibalik pa ng Warriors ang agresibong ipinakita nito sa unang takbo ng laro lalo na sa 1st half dahil sa “fatigue.”

Isa sa nakita ni Nuyles ang kawalan ng sapat na pahinga ng Warriors lalo pa’t isang araw lamang ang naging pahinga nito bago muling humarap sa laro nitong Sabado.

Lalo na umano kay Stephen Curry na ibinuhos ang lakas sa Game 3 ng laro.

Nakatulong naman aniya ang pagbabalik ni Klay Thompson ngunit hindi ito naging sapat para maibangon ang kanilang koponan.

Una rito nagtapos ang 2nd quarter ng laro na lamang ang Golden State ngunit nabago ang takbo ng laro sa pagpasok ng 3rd quarter kung saan unti-unting nakahabol at nakalamang ang Raptors hanggang sa matapos ang laro sa score na 105-92.