Binigyang diin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na isang “matter of leadership” o usapin ng pamumuno ang pagtugon sa isyu ng iligal na droga sa Pilipinas.
Kayat dapat aniyang bigyan ng palugit ang kaniyang successor na si Pangulong Ferdinand Macos Jr. para gawin ang kaniyang tungkulin sa loob lamang ng isang taon.
Tinanggihan din ng dating Pangulo ang panawagan muli sa kaniya na maging anti-drug czar sa ilalim ng kasalukuyang adminsitrasyon.
Paliwanag ni Duterte na tila hindi na rin aniya tama kung magiging anti-drug czar pa ito dahil mayroon ng kasalukuyang Pangulo na nakaupo at tungkulin na nito para magpatupad ng batas at resolbahin ang mga krimen.
Muling naungkat ang naturang panawagan kay Duterte nang palutangin ni Senator Bong Go sa kasagsagan ng pagdinig ng Senate Committee on Public order and Dangerous Drugs kaugnay sa P6.7 billion shabu haul sa Maynila noong Mayo 23 at tinanong si Philippine National Police chief Pol. Gen Benjamin Acorda kung naiisip nito na makakatulong ang dating Pangulo kung tatanggapin nito ang posisyon bilang anti-drug czar sa ilalim ng Marcos administration.
Sinabi naman ng PNP chief na kaniyang susuportahan ang anumang hakbang na makakatulong sa kampaniya ng gobyerno kontra sa iligal na droga.
Inihayag din ni dating PNP chief at ngayon ay Senator Ronald bato Dela Rosa na kaniyang suportado ang naturang panawagan at iginiit na magbabalik ito ng takot sa mga kapulisan at mga criminal syndicates na sangkot sa kalakalan ng iligal na droga.
Sa kasalukuyan, patuloy na isinusulong ng International Criminal Court ang imbestigasyon sa madugong war on drugs ng Duterte administration.