-- Advertisements --

Posible umanong nangangalap ng intelligence ang Chinese research vessel na namataan kamakailan sa Babuyan Island, ayon sa US maritime expert na si Ray Powell.

Nauna na ngang kinumpirma ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Comm. Jay Tarriela na naispatan ang Chinese research vessel na Xiang Yang Hong 05 sa distansiyang 14.92 nautical miles mula sa Babuyan Island.

Sa kaniyang X account, sinabi ni Powell na habang malapit sa lugar ang naturang barko ng China naobserbahan ang kapansin-pansing pagbagal ng kilos nito sa pagitan ng isa hanggang dalawang knots sa labas lamang ng territorial sea, kanluran ng Babuyan Island, bagamat hindi aniya ito nagsagawa ng survey sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Nagpapakita naman aniya ito na sinamantala ng research vessel ang pagkakataon para makakalap ng intelligence habang dumadaan sa lugar.

Ayon pa kay Powell, naglayag ang Xiang Yang Hong 05 sa EEZ ng PH sa pamamagitan ng Luzon Strait noong Hunyo bago magsagawa ng 40 araw na survey sa may silangan ng Guam.

Bumalik ito noong nakalipas na linggo sa pamamagitan ng pagdaan sa Luzon Strait na isang mahalagang lagusan na nagkokonekta sa karagatan ng PH sa WPS.