Inaasahan ang magiging mainit na debate bukas, Agosto 6, kaugnay sa magiging desisyon ng Senado sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa panayam, sinabi ni Senador Erwin Tulfo na inaasahan na magbobotohan na silang mga senador kung itutuloy o hindi ang impeachment trial.
Ito ay matapos magpasya ang mga mahistrado ng Korte Suprema na unconstitutional ang impeachment case laban sa Bise Presidente.
Dahil inaasahan ang botohan bukas ukol sa Supreme Court ruling, umaasa pa rin ang senador na matuloy ang paglilitis.
Ito ay upang malatag ang mga ebidensya at makita ang mga alegasyong ibinabato kay VP Sara.
Samantala, kung si Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang tatanungin, sinabi nitong hindi na kailangan ng mahabang debate sa plenaryo bukas.
Aniya, maituturing na itong case closed dahil malinaw ang pasya ng Kataas-taasang Hukuman na wala itong bisa simula pa lang.
Malinaw aniya ang nakasaad sa 97-page na desisyon ng mga mahistrado na ito ay immediately executory.
Gayunpaman, handa naman ang senador sa magiging debate at hindi naman daw siya nag-iinit para tumayo at ipa-dismiss ang impeachment case ni VP Sara.
Sa nakikita naman aniya ni Dela Rosa, maraming senador ang tatalima sa ruling ng Korte Suprema.
Kung maaalala, inamin ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na nasa supermajority ng mga senador ang tatalima sa desisyon ng Korte Suprema na unconstitutional ang articles of impeachment laban kay Duterte.
Ayon kay Estrada, base ito sa ipinapakitang body language at mga pahayag ng mga senador na dapat sundin ang ipinag-uutos ng Kataas-taasang Hukuman.