-- Advertisements --

Inihayag ng Department of Justice na ang ilang kaanak ng mga nawawalang sabungero ay pinaghihinalaang inareglo umano patungkol sa isyu.

Ayon mismo kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, nakatanggap sila ng ulat na ang ilan sa mga ito ay nakipagkasundo o nakipag-areglo na lamang.

Marami aniya ang pinaniniwalaang inareglong mga kaanak ng nawawalang mga sabungero base sa kanilang impormasyon.

Kaya’t kanyang binigyang diin na kanilang ipinagpapatuloy pa rin ang pag-iimbestiga hinggil sa kaso.

Giit ni Justice Secretary Remulla na ito’y interes at para sa kapakanan ng bayan sapagkat di’ umano siya papayag na pera-pera na lamang ang manaig poatungkol sa isyu.

“Wala pa akong dayalog ulit pero marami silang sinettle ang alam ko. May balita kaming may na-settle dyan. Ang sabi ko nga, the state has taken special interest into this case. Kasi nga this is an issue that concerns the country and our way of life,” ani Secretary Jesus Crispin Remulla ng Department of Justice.

“Ang pinakamabigat dyan ay hindi maaring ang taong maraming pera ay magsasabi sa kung sino ang pwedeng mabuhay at sinong dapat mamatay,” dagdag ni Sec. Remulla ng DOJ.

Ngunit sa kabila nito, tumanggi munang magbahagi ang naturang kalihim patungkol sa kung magkano umano na-areglo ang ilan sa mga kaanak ng nawawalang mga sabungero.

Aminado si Justice Secretary Remulla na wala pa silang sapat at tiyak na patunay sa kung ano talaga ang nangyari.

“Hindi ko alam eh, hindi ko alam. Maraming sabi-sabi kaya lang hindi ko pwedeng patulan kasi wala naman akong patunay kung ano talagang nangyari at wala akong hawak na mga affidavits tungkol dito sa bagay na ito,” ani Secretary Jesus Crispin Remulla ng Department of Justice.

Samantala, binigyang linaw naman ni Justice Secretary Remulla na kabahagi pa rin ang Philippine National Police sa pagsusuri ng mga narekober na labi mula sa Taal lake.

Kanyang nilinaw na tutulong pa rin ito sa kabila ng kanilang pagkuha o paghiling ng asiste sa mga eksperto ng University of the Philippines at Japan sa pagsasagawa ng DNA testing.