Handa raw makipagpulong si U.S. President Donald Trump kay Russian President Vladimir Putin — kahit hindi pa niya nakakausap si Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy
Ito ang inihayag ng kampo ni Trump matapos ang magkakasalungat na ulat mula sa Kremlin at sa White House tungkol sa umano’y naka-iskedyul na summit sa pagitan nina Trump at Putin.
Ayon sa White House, walang kumpirmadong pagpupulong — at dapat umanong makipagkita muna si Putin kay Zelenskyy kung magkakaroon man ng trilateral meeting.
Pero sa kabila nito, ayon kay White House Press Secretary Karoline Leavitt, bukas si Trump sa pagpupulong kay Putin—bagamat mas nais niya ang pagkakaroon ng trilateral talks na kasama ang Ukraine.
‘President Trump would like to meet with both President Putin and President Zelensky because he wants this brutal war to end,’ ani Leavitt sa isang pahayag.
Samantala, kinumpirma naman ng Kremlin sa pamamagitan ni Putin adviser Yuri Ushakov na may napagkasunduan nang lugar para sa gagawin pulong, isa dito ang United Arab Emirates na kaalyado ng Russia sa posibleng mag-host ng naturang summit.
Mariin namang iginiit ni Ukrainian President Zelenskyy na hindi maaaring maisantabi ang Ukraine at Europa sa anumang pag-uusap ukol sa pagtatapos ng digmaan.
‘The war is happening in Europe, and Ukraine is an integral part of Europe —we are already in negotiations on EU accession,’ ani Zelenskyy sa isang post sa X.