Umapela si Senador Joel Villanueva nitong Biyernes sa Civil Service Commission (CSC) na ipagbawal ang online gambling sa lahat ng tanggapan ng gobyerno at sa hanay ng mga kawani ng pamahalaan.
Hinikayat ni Villanueva ang CSC na magpalabas ng malinaw at tiyak na patakaran laban sa online gambling upang mapigil ang paggamit ng mga naturang plataporma ng mga kawani ng gobyerno.
Dagdag pa niya, dahil sa mga pagbabago sa anyo at paraan ng pagsusugal, dapat isaalang-alang ng CSC ang pag-aamyenda ng kasalukuyang patakaran upang umangkop sa kasalukuyang sitwasyon, kung saan mas madali nang ma-access ng mga kawani ng gobyerno ang mga online gambling platform.
Ipinaalala ng majority leader na nananatili ang pagbabawal sa mga opisyal at kawani ng gobyerno na pumasok sa mga casino at iba pang pasugalan alinsunod sa iba’t ibang kautusan mula sa ehekutibo.
Ipinagbabawal din ang pagpasok ng mga kasapi ng militar, pulisya, at iba pang uniformed personnel sa mga ganitong pasilidad.
Giit ni Villanueva, dapat manguna ang pamahalaan sa pagpigil sa pagkahumaling ng mga opisyal at kawani nito sa mga “get-rich-quick” schemes na dala ng online gambling, na maaari ring mag-udyok ng korapsyon.
Dahil sa pagdami ng mga online gambling platform at masamang epekto ng maling paggamit at adiksyon, nanawagan ang senador na isama ng CSC sa kasalukuyang casino ban ang online gambling, lalo na sa oras ng opisyal na trabaho.