“Harassment?”
Ito ang naging tugon ni Senador Joel Villanueva sa panawagan ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla
na ipatupad ang 2016 dismissal order laban sa kanya ng Ombudsman.
Ibinahagi ni Villanueva ang mga kopya ng sertipikasyon mula sa Office of the Ombudsman at Sandiganbayan — ang una ay nagpapatunay na wala siyang nakabinbing kasong kriminal o administratibo, at ang ikalawa ay nagpapatunay na hindi siya akusado o nasasakdal sa anumang kaso sa hukuman.
Ang dalawang dokumento ay parehong inisyu noong Setyembre 10, 2025.
Ayon sa senador, inaasahan na nila ang ganitong klase ng panghaha-harass dagdag pa ang pagpapakalat ng napakaraming fake news laban sa kanya.
Nang matanong din kung bakit siya humiling ng clearances at aniya ito ay paghahanda rin ng kanilang paghahain ng kaso laban sa mga nagpapakalat ng fake news.
Sa isang panayam sinabi ni Remulla na susulat siya kay Senate President Vicente Sotto III upang ipatupad ang dismissal order kay Villanueva mula sa kanyang posisyon sa gobyerno.
Noong 2016, iniutos ni dating Ombudsman Conchita Carpio Morales ang pagpapatalsik kay Villanueva mula sa serbisyo publiko dahil sa umano’y anomalya sa paggamit ng P10 milyong pondo mula sa kanyang pork barrel allocation noong siya ay kongresista pa.