Nagsumite na ng kani-kanilang mga counter affidavits ang mga pulis na isinasangkot sa drug raid sa Pampanga sa pagpapatuloy ng preliminary investigation sa Department of Justice (DoJ) sa isyu ng ninja cops o ang mga pulis na nagre-recycle ng mga iligal na droga.
Personal na pinanumpahan ng mga respondent ang kanilang mga kontra salaysay sa DoJ panel na nag-iimbestiga sa kaso.
Present sa pagdinig si dating PNP Chief Oscar Albayalde na nakaladkad ang pangalan matapos idagdag ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa kaso ng mga ninja cops.
Maging si Police Major Rodney Raymundo Louie Juico Baloyo IV na sinasabing team leader sa isinagawang raid sa Pampanga noong 2013 ay present din sa pagdinig.
Present ang 12 pulis na sangkot sa umano’y pag-recycle ng droga na sina:
Police Senior Insp. Joven Bognot De Guzman Jr
SPO1 Jules Lacap Maniago
SPO1 Donald Castro Roque
SPO1 Alcindor Mangiduyos Tinig
SPO1 Dante Mercado Dizon
SPO1 Eligio Dayos Valoroso
PO3 Dindo Singian Dizon
PO3 Gilbert Angeles De Vera
PO3 Romeo Encarnacion Guerrero Jr
PO2 Anthony Loleng Lacsamana
Hindi naman nakadalo sa pagdinig si SPO1 Ronald Bayas Santos dahil wala umano itong abogado at sinasabing matagal nang nag-AWOL.
Mga kasong paglabag sa Sections 27, 29 32 at 92 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, paglabag sa Section 3(a) at (e) ng RA 3019 Qualified Bribery (Art 211-A ng RPC) Falsification of Public Documents (Article 171 ng RPC at Penury in Solemn Oaths sa ilalim ng Article 183 ng RPC at Article 208 ng RPC o dereliction of duty against officers and personnel of the Philippine National Police (PNP) ang isinampa sa mga respondent.
Isasagawa ang susunod na pagdinig sa November 11 dakong alas-10:00 ng umaga.
Sa isasagawang pagdinig magsusumite naman ng reply affidavit ang CIDG at supplemental counter affidavit si Albayalde.
Naungkat ang isyu ng ninja cops sa pagdinig ng Senado sa isyu ng good conduct time allowance (GCTA) Law.
Kabilang naman sa DoJ panel of prosecutors na nag-iimbestiga sa kaso sina Senior Assistant State Prosecutor Alexander Suarez, at Assistant State Prosecutors Josie Christina Dugay at Gino Paolo S. Santiago.