Iginiit ng isang beteranong election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal na hindi umano sapat ang dahilan para ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections 2025.
Kanyang mariin tinututulan ang nilagdaang batas ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na nagtakda para mailipat ang petsa ng eleksyon sa susunod na taon.
Naniniwala ang naturang abogado na ang rason nakapaloob sa Republic Act No. 12232 ay mahina para tumayong basehan upang hindi matuloy ang eleksyon.
Ayon kasi kay Atty. Romulo Macalintal, ang dahilang ‘setting the terms of office’ ay hindi isang ‘valid ground’ para sa postponement ng halalan na alinsunod sa Korte Suprema.
Habang kanya namang sinagot na ang pagpokus ng gobyerno sa isasagawang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM parliamentary elections ay hindi rin umano sapat na dahilan para sa postponement.
Ayon kasi sa naturang abogado, ipinaliwanag na ito ng Kataastaasang Hukuman sa kaso ng Macalintal vs. Comelec noong taong 2023.
Samantala, kinuwestyon naman ng naturang abogado ang panibagong petsa na itinakda para sa gaganaping eleksyon.
Mula kasi sa darating na buwan ng Disyembre, ipinagpaliban at inilipat na ito sa susunod na taon ng 2026.
Ngunit ito’y natapat mismo sa araw ng mga kaluluwa o All Soul’s Day sa makalawa ng buwan ng Nobyembre.
Kaya’t ang election lawyer na si Atty. Macalintal ay ibinahagi pa ang kanyang pag-aalala sapagkat aniya’y hindi praktikal na itakda ang halalan sa ganitong araw.
Sa kasalukuyan ay kanya ng naihain ang petisyon upang hilingin sa Korte Suprema na maglabas ito ng desisyon upang sakaling maituloy pa ngayong taon ang eleksyon.