-- Advertisements --

Naaresto ng National Bureau of Investigation–National Capital Region (NBI-NCR) ang isang lalaki sa Ermita, Maynila noong Agosto 13, 2025, dahil sa kasong grave coercion matapos ang isinagawang entrapment operation.

Sa pangunguna ni NBI-NCR Director Judge Jaime Santiago, nakipag-ugnayan ang mga operatiba sa biktima upang maisakatuparan ang operasyon.

Kinilala ang suspek na si Billy Rose R. Dela Cruz, na agad dinala sa Manila Prosecutor’s Office para sa inquest proceedings.

Nahaharap siya sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9995 (Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009) kaugnay ng Cybercrime Prevention Act, Republic Act 9262 (Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004), at Article 286 (Grave Coercion) ng Revised Penal Code.

Batay sa reklamo, lihim umanong kinuhanan ni Dela Cruz ng video ang kanilang pagtatalik ng biktima habang nasa Macau. Kalaunan ay ipinadala raw ng suspek ang mga sensitibong video sa mga katrabaho ng biktima, dahilan upang siya ay mapilitang magbitiw sa trabaho.

Dagdag ng NBI, tinakot pa ni Dela Cruz ang biktima na ipapadala ang mga video sa kanyang pamilya at kaibigan kung hindi siya papayag na makipagtalik muli sa kanya.

Nasagip ng mga awtoridad ang biktima mula sa isang hotel, at nakumpiska rin ang isang cellphone na hinihinalang naglalaman ng mga iligal na video scandal.