BUTUAN CITY – Nakaburol na sa basketball court sa Purok 17, Barangay Los Angeles, nitong lungsod ng Butuan ang 9-anyos na si Alleyah upang mabigyan ng pagkakataon ang lahat na masilayan siya matapos siyang matagpuan kamakailan sa bahagi ng sapa sa Purok 5, na palutang-lutang at wala nang buhay matapos maiulat na nawawala.
Ayon kay Barangay Kagawad Oscar Camarines, plano sana ng mga magulang na ilagak sa kanilang bahay ang burol ng bata, ngunit dahil sa kakulangan ng espasyo at dami ng nakikiramay, napilitan silang ilagay ito sa mismong basketball court kung saan huling nakita ang bata.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng kapulisan sa crime scene sa pag-asang makakita ng ebidensiyang makatutulong upang matukoy ang suspek.
Sa ngayo’y mayroon na silang kinokonsiderang tatlo hanggang apat na persons of interest na posibleng may kinalaman sa insidente, upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng bata.















