-- Advertisements --

Pinapaaresto na ng korte si dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma dahil sa kasong pagpatay kay PCSO board secretary Wesley Barayuga noong 2020.

Sa inilabas na warrant of arrest ng Mandaluyong Regional Trial Court (RTC) branch 279 ,kasamang pinapaaresto sina dating National Police Commission (NAPOLCOM) commissioner Edilberto Leonardo, mga police officials na sina Jeremy Causapin, Santie Mendoza, at Nelson Mariano dahil sa kasong murder at frustrated murder.

Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Randulf Tuaño, na kanilang isisilbi ang nasabing warrant of arrest kahit anumang posisyon man ang nakalagay dito.

Sa limang mga akusado ay si Mendoza lamang ang nasa floating status sa ilalim ng kustodiya ng Personnel Holding and Accounting Unit (PHAU) habang si Mariano ay natanggal sa serbisyo at si Causapin naman ay nagbitiw sa puwesto.

Magugunitang binaril si Barayuga habang ito ay nasa loob ng kaniyang sasakyan ng hindi kilalan mga suspek na nakasakay sa motorsiklo noong Hulyo 30, 2020 sa lungsod ng Mandaluyong City kung saan nakaligtas naman ang kaniyang driver.