-- Advertisements --

Nagbitiw na bilang secretary general at miyembro ng PDP-Laban (Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan) si dating House Speaker at Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez.

Sa isang statement sinabi ni Alvarez, na ang kanyang pagnanais na mag-kampanya para sa voter’s education ang nag-udyok para siya ay umalis sa posisyon.

Limang taong umupo bilang secretary general ng PDP-Laban si Alvarez, kung saan nakasama niya si Pangulong Rodrigo Duterte.

“Unfortunately, serving as a ranking officer and member of PDP-Laban while simultaneously handling this advocacy may be misconstrued by critics as politicking by the Party presently in power,” ayon sa kongresista.

Lumipat si Alvarez sa isang non-mainstream party na Reporma, kasama si dating Defense Sec. Renato de Villa bilang chairman.

“This way, the voter’s education campaign can proceed, and rightly be perceived, as politically neutral without risking possible backlash against PDP-Laban.”

Nagpaabot ng pasasalamat ang Davao del Norte representative sa dating partido matapos suportahan ang kanyang pagtakbo sa 2016 at 2019 elections.

Pinasalamatan din ni Alvarez si Sen. Koko Pimental, na siyang umuupong party president.

“The Party’s assistance for those campaigns that led to historic electoral victories cannot be understated.”

Irrevocable o hindi pwedeng mabawi ang resignation na inihain ni Alvarez sa PDP-Laban.

Sa ilalim ng kanyang panunungkulan bilang miyembro ng ruling party, naging House Speaker siya ng 17th Congress.

Napatalsik lang siya sa pwesto nang ihalala ng House of Representatives si dating pangulo at former Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo bilang lider ng Kamara, matapos ang 2018 State of the Nation Address ni Duterte.