Nagpasaklolo na sa Supreme Court (SC) ang kampo ng dating economic adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Michael Yang dahil umano sa pangha-harass ng Senate Blue Ribbon Committee sa kanya sa mga isinasagawang imbestigasyon.
Ang 46 pahinang petition for certiorari at prohibition ay inihain ng abogado ni Yang na si Raymond Fortun.
Sa kanilang petisyon, hiniling ni Yang na alisin ang warrant of arrest laban sa kanya noong Setyembre 7 at 10.
Pina-nullify din nito ang lookout bulletin order na inisyu ng Bureau of Immigration dahil paglabag aniya ito sa kanyang constitutional rights gaya ng pagbiyahe.
Umaalma ang negosyante dahil mistulang may pagmamalabis na raw ang Senado sa pagtatanong sa kanya at ang paghingi nila ng mga dokumento na wala namang kinalaman sa isyung iniimbestigahan.
Kabilang dito ang pagtatanong sa kanyang mga ari-arian, kotse, korporasyon, tax records, pangalan at detalye ng kanyang mga tauhan, at iba pa.
Iginiit ni Atty. Fortun na wala na itong kinalaman sa imbestigasyon sa P42 billion Coronavirus Disease 2019 funds na inilipat sa Department of Budget and Management.
Dagdag nito na hindi nagtatago ang kanyang kliyente na nasa Davao lamang.
Sa katunayan, handa nga ang negosyante na dumalo sa iba pang pagdinig ng Senado gaya ng naka-schedule bukas.
Ayon pa sa abogado, maiging sampahan na lamang ng kaso si Yang sa Ombudsman at sa Department of Justice para sila na ang magsagawa ng imbestigasyon.