-- Advertisements --

Nagkasa ng pagdinig ang Senate Committee on Basic Education upang talakayin ang lumalalang krisis sa edukasyon, partikular sa kakulangan ng mga silid-aralan sa bansa.

Iginiit ni Senador Bam Aquino, tagapangulo ng komite, na hindi lamang simpleng kakulangan ng classrooms ang problema, kundi konektado ito sa mas malalaking isyu gaya ng sira at luma nang pasilidad, siksikan na mga estudyante, at hindi maayos na sistema sa pagpapatayo ng mga paaralan.

Batay sa datos ng Department of Education (DepEd), kulang ang bansa ng humigit-kumulang 165,000 silid-aralan, ngunit pinaniniwalaang mas mataas pa ang aktwal na bilang. 

Hindi pa kabilang dito ang mga klasrum na matagal nang hindi naayos matapos gawing evacuation center ng mga nabaha at nalindol at ang mga klasrum na may double o triple shifting ng klase.

Ayon din sa ulat ng Education Commission 2 (EDCOM 2), may 5.1 milyong “aisle learners” o mga mag-aaral na napipilitang umupo sa pasilyo dahil sa kakulangan ng upuan.

 Maraming hadlang sa pagpapatayo ng mga bagong classrooms, kabilang ang luma at mabusising regulasyon, limitadong lupa lalo na sa urban areas, pagkaantala ng pondo, at isyu sa pagmamay-ari ng lupang pagtatayuan.

Ipinunto rin ni Aquino ang malaking diperensya sa tinatayang halaga ng pagpapatayo ng classrooms. Ayon sa Deped, ₱2.5 milyon kada silid-aralan, samantala sa datos ng Department of Public Works and Highways (DPWH) tinatayang nasa mahigit ₱3.5 milyon.

Nabahala ang mambabatas dahil noong 2024, 847 classrooms lamang ang natapos sa buong bansa.

Giit ng senador, ang maling paggamit ng pondo para sa edukasyon ay hindi lamang pagnanakaw sa kaban ng bayan, kundi pagpatay sa pangarap ng kabataang Pilipino.