-- Advertisements --

Mas malaki ang tiyansa na umusad ang panukalang Anti-Political Dynasty Bill, kasunod ng pahayag ng Malacañang na sinusuportahan nito ang pagpasa ng naturang batas.

Ito ang nakikita ni Senador Bam Aquino — na aminadong bahagi rin ng political family.

Ayon kay Aquino, bago lumabas ang anunsyo ng Palasyo, inakala niyang “mahirap” pa ring maipasa ang panukala kahit nakapaghain na rin sila ng sariling bersyon.

Sa tanong naman kung oras na para sertipikahan bilang urgent ang Anti-Political Dynasty Bill, sinabi ng senador na bagama’t positibong simbolo kung ideklara itong urgent, hindi pa ito kinakailangan sa ngayon.

Umaasa si Aquino na sa unang bahagi ng susunod na taon ay mailalabas na ang committee report ng bill para masimulan na ang deliberasyon.

Aminado naman si Senador Kiko Pangilinan na hindi magiging madali ang pagpasa ng Anti-Political Dynasty Law, lalo na’t apat na dekada na itong nakabinbin.

Bagama’t matagal nang nakabinbin, nanawagan ang senador na suportahan ng mayorya sa Kongreso ang pag-usad ng bill, kasabay ng pagsabing umabot na sa committee report ang panukala at dapat nang isulong para sa plenary deliberations.

Giit pa ni Pangilinan, may 10 petisyon na nakabinbin sa Korte Suprema na humihiling na ideklarang taliwas sa Konstitusyon ang political dynasties.

Dapat na aniyang pag-aralan at pagdesisyunan ito ng mga mahistrado.