-- Advertisements --

Mariing kinondena ni Senador Bam Aquino ang korapsyon at kasakiman na aniya’y ugat ng daan-daang nasawi at ng matinding pinsalang idinulot ng bagyong Tino at Uwan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ang pahayag ni Aquino ay matapos lumabas ang ulat na mahigit 200 katao ang nasawi sa pananalasa ng dalawang bagyo.

Sinabi ng senador na ang katiwalian at kasakiman ang dapat sisihin sa pagkawala ng napakaraming buhay, pagkawasak ng ari-arian, at pagkawala ng kabuhayan ng maraming Pilipino.

Binigyang-diin ng senador ang ulat hinggil sa bilyon-bilyong pisong inilaan para sa mga flood control project sa lalawigan ng Cebu na nabigong maprotektahan ang mga residente laban sa matinding pagbaha — dahilan upang mabuo ang hinala ng substandard na konstruksyon at maling paggamit ng pondo.

Ayon kay Aquino, kung naisagawa nang maayos ang mga naturang proyekto, sana ay naibigay nito ang tamang proteksiyon sa mga mamamayan sa Cebu. Ngunit aniya, isinantabi umano ang kapakanan ng publiko para sa pansariling interes ng iilang tiwaling opisyal ng pamahalaan.

Tinukoy din ng senador na ang labis na kasakiman ay nagdulot ng pagkakalbo ng mga kagubatan na sana’y nagsilbing natural na panangga laban sa pagbaha. 

Bunga nito, nabawasan ang proteksiyon ng mga komunidad laban sa mga kalamidad.

Nanawagan ang senador ng pananagutan at pangmatagalang reporma upang hindi na maulit ang ganitong trahedya sa hinaharap.

Binigyang-diin niya ang pangangailangang maglatag ng pangmatagalang solusyon sa paulit-ulit na pagbaha upang hindi na maulit ang nangyari sa Cebu at iba pang bahagi ng bansa.

Idinagdag din ng senador na dapat papanagutin ang mga nasa likod ng maanomalya at palpak na flood control projects, dahil sila umano ang may pananagutan sa pagkasawi ng mga biktima ng kalamidad bunga ng katiwalian at kasakiman.