-- Advertisements --

Naghain ngayong araw ng reklamo ang iba’t ibang sektoral na grupo sa Office of the Ombudsman laban sa ilang dating opisyal nasasangkot sa isyu ng maanomalyang flood control projects.

Sa pagdating ng mga grupo kabilang ang Kilusang Bayan Kontra Kurakot, Bagong Alyansang Makabayan at iba pa, kanilang inireklamo partikular sina former Undersecretary Adrian Bersamin, at former Department of Education Usec. Trygve Olaivar.

Ayon kay David San Juan ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot, ang kanilang paghahain ng reklamo sa tanod-bayan ay upang mapanagot ang mga ito.

Kung saan hinimok ng mga ito ang Ombudsman na suriin ang posibleng paglabag sa ‘Code of Ethics of Public Officials’, Anti-Graft and Corrupt Practices Act o Republic Act No. 3019 at grave misconduct.

Paliwanag naman ng naturang ‘complainant’ na isa sa mga naging batayan ng kanilang paghahain ng reklamo ay ukol sa mga pahayag nina former Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co at former Department of Public Works and Highways Undersecretary Roberto Bernardo.

Binigyang diin ni Chairperson Teddy Casiño ng Bagong Alyansang Makabayan na ang kanilang paghahain ng reklamo ay bilang tanda na hindi nakakalimot ang publiko hinggil sa isyu ng korapsyon sa flood control.

Giit niya’y dapat imbestigahan at aksyunan ito ng Office of the Ombudsman sapagkat ang mga inirereklamo ay naiuugnay maging sa Palasyo ng Malakanyang partikular kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.