CEBU CITY – Nanawagan ang dating namumuno ng Dangerous Drugs Board (DDB) kay Pangulong Rodrigo Duterte na tanggalin sa pwesto si PDEA Director General Aaron Aquino.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Clarence Paul Oaminal, giit nito na wala umanong naitulong si Aquino sa anti-drug campaign ng administrasyon.

Ayon kay Oaminal, si Aquino ay wala umanong kakayahan na mamuno sa Philippine Drug Enforcement Agency.

Dagdag pa nito na sa pamumuno raw ni Aquino ay maraming PDEA agent ang namamatay sa mga anti-drug operation.

Kinuwestyon ni Oaminal ang listahan ng PDEA ng mga high-value target sa bansa kung saan kasali dito ang ilang miyembro ng media.

Aniya, paano ito nalaman ni Aquino kung hindi nga nito alam ang pinanggalingan ng mga shabu na pumapasok sa bansa.

Giit ng dating DDB undersecretary, dapat tanungin ni Aquino ang sarili kung sino sa kanila sa mga media ang may malaking naitulong sa anti-drug campaign ng Duterte administration.

Gayunpaman, sang-ayon si Atty. Oaminal na posibleng may mga miyembro ng media ang nasasangkot sa iligal na droga dahil kahit sino naman ay maaaring gumawa ng iligal.