-- Advertisements --

Sinabi ni Senador Panfilo Lacson na nagsumite na ng kompyuter, mga dokumento, at iba pang ebidensya si dating Bulacan assistant district engineer Brice Hernandez upang patunayan ang umano’y pagkakasangkot ng ilang mambabatas sa anomalya sa mga flood control project.

Magugunitang si Hernandez, na ikinulong sa Senado ay pansamantalang pinalabas noong Sabado upang kunin ang mga ebidensya, na ngayon ay sealed habang hinihintay pa ang pormal na pagsusuri.

Una nang pinangalanan ni Hernandez sina Senador Jinggoy Estrada, Senador Joel Villanueva, at dating Caloocan Rep. Mitch Cajayon-Uy bilang umano’y nakinabang sa kickback bagay na itinanggi ng tatlong opisyal.

Samantala, iginiit ni Lacson na kailangang magpaliwanag si resigned DPWH Secretary Manuel Bonoan kung paano naideliver ang mahigit P600 million mula sa Syms Construction kay Sally Santos patungo sa tanggapan ng District Engineering Office ng Bulacan.

Pinuna rin niya ang presensya ni DPWH Undersecretary Roberto Bernardo sa isang litrato kasama si Hernandez at iba pang engineer ng Bulacan 1st District.

Inaasahang iimbitahan sina Bonoan at Bernardo sa susunod na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa Setyembre 22.