Naihatid na sa kanyang huling hantungan ang dating sundalo na si retired Cpl. Winston Ragos na namatay matapos barilin ng pulis sa checkpoint sa Quezon City kamakailan.
Dahil sa umiiral na social distancing bunsod ng COVID-19, ilang kamag-anak at kaibigan lang ni Ramos ang nakasama sa paghahatid sa kanya sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City nitong araw.
Binigyan ng full military honors ng Philippine Army ang napatay na sundalo bago ilibing.
Kung maaalala, nabaril ng pulis si Ragos habang nasa checkpoint sa Brgy. Pasong Putik, Quezon City noong Martes dahil sa sinasabing paglabag nito sa protocols ng enhanced community quarantine.
Dalawang beses pinaputukuan ng baril ang 34-anyos na dating sundalo dahil pinaghihinalaang bubunot ito ng armas mula sa kanyang handbag.
Si Ragos ay diagnosed ng post-traumatic stress disorder at schizophrenia.
Ayon sa Army, nagsimulang magpakita ng senyales si Ragos ng mental trauma matapos makaharap ng kanilang unit ang mga rebelde noong 2010.
Sa loob ng anim na taon ay sinubukan daw nilang isailalim sa treatment ang sundalo hanggang ideklara itong unfit sa serbisyo.
“The honors we rendered him today, he deserves it. All those who served his country honorably, we will give them the same honors,” ani Army spokesperson Col. Ramon Zagala.
Batay sa salaysay ng ilang witnesses, walang dalang baril si Ragos nang kornerin ng mga pulis. Pero iginiit ng mga otoridad na may nakuha silang calibre-.38 revolver sa bag ng biktima.
Nitong Biyernes nang sampahan ng kasong homicide sa Quezon City Police District si police Master Sgt. Daniel Florendo, na siyang nakunan sa CCTV na nagpaputok ng baril kay Ragos.