-- Advertisements --

Posibleng “Bagman” o “Legman”  ng mga malalaking kontratista ang mga District Engineers ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ito ang binigyang-diin ni Senador Ping Lacson matapos mabunyag ang tangkang panunuhol kay Batangas 1st District Representative Leandro Leviste kaugnay ng maanomalyaang infrastructure project sa lalawigan.

Giit ng senador, hindi normal na mismong district engineer ang mag-aalok ng suhol at sa halip ay karaniwang nagmumula ito sa kontratista.

Kaya mahalaga, aniya, na magkaroon ng malalimang imbestigasyon upang matukoy kung ano ang nasa likod ng tangkang panunuhol kay Leviste.

Iginiit din ni Lacson na kailangan ng “surgical solution” sa sistematikong katiwalian sa Department of Public Works and Highways, higit pa sa simpleng pagpapalit o pag-reassign ng mga opisyal.

Ani Lacson, dapat magkaroon ng masusing imbestigasyon ang Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group o kahit ang National Bureau of Investigation, at hindi dapat tumigil sa paghahain ng kaso laban kay Batangas 1st District Engineer Abelardo Calalo.

Nalugod naman ang senador sa ipinakita ni Leviste na tumanggi sa alok na suhol mula sa tiwaling district engineer ng Department of Public Works and Highways.

Pinayuhan na raw ng senador ang ina ng kongresista, si Senadora Loren Legarda, na tiyakin ang seguridad ng anak dahil hindi maaaring balewalain ang kasamaan at bilyon-bilyong pondong pinag-uusapan.

Umaasa ang senador na magkakaroon siya ng pagkakataon na personal na batiin si Leviste at pasalamatan sa kanyang pagtindig laban sa kultura ng kickback na kumakain sa marami pang kabataang lingkod-bayan sa Kongreso.