Hindi kinikilala ng European Union ang Taliban, ayon kay EU Commission President Ursula von der Leyen.
Hindi rin aniya magsasagawa ng political talks ang EU sa mga militanteng ito.
Ito ay kahit pa hawak na sa ngayon ng Taliban sa kanilang mga kamay ang Afghanistan.
Pero sa kabila nito, sinabi ni Von der Leyen matapos siyang bumisita sa isang reception center sa Madrid para sa mga Afghan employees ng EU institutions na lumikas mula sa Kabul, na irerekomenda niyang taasan ang 57 million euros na humanitarian aide na kanilang inilaan sa Afghanistan ngayong taon.
Ang development aid naman kasi aniya ng EU ay nakatali sa paggalang sa karapatang pantao, maayos na pakikitungo sa minorya at paggalang sa karapatan din ng mga babae.
Sinabi rin nito na handa ang EU na magbigay ng funding sa mga EU countries na tutulong sa resettlement ng mga refugees.
Balak din aniya niyang banggitin ang resettlement issue na ito sa pulong ng G7 sa susunod na linggo. (Reuters)