Pansamantalang sinuspinde ng Philippine Ports Authority (PPA) ang operasyon sa mga pantalan sa ilang coastal areas sa bansa bilang bahagi ng pag-iingat kasunod ng tsunami advisory na inilabas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Ayon sa inilabas na kautusan PPA General Manager Jay Santiago, agad na ipinatupad ang mga safety protocols sa mga lugar na itinuturing na high-risk matapos ang magnitude 8.7 na lindol na tumama sa silangang bahagi ng Kamchatka, Russia.
Simula ngayong araw, iniutos sa lahat ng Port Management Offices (PMOs) sa mga apektadong lalawigan sa Luzon, Visayas, at Mindanao na ihinto muna ang lahat ng operasyon ng pantalan tulad ng pagsakay at pagbaba ng mga pasahero at paghakot ng kargamento, hanggang sa may abisong ibigay ang PHIVOLCS.
Katuwang ang Philippine Coast Guard (PCG), mga lokal na pamahalaan, at terminal operators, patuloy ang pagbabantay ng PPA sa anumang pagbabago sa lebel ng dagat upang matiyak ang kaligtasan ng publiko. Inabisuhan na rin ang mga barkong nakaangkla o papalapit sa mga pantalan na lumipat sa mas malalim na bahagi ng karagatan kung kinakailangan.
Pinayuhan din ang publiko na iwasan muna ang mga dalampasigan at baybaying-dagat habang umiiral ang banta. Nakaantabay na rin ang mga emergency response teams hanggang sa magdeklara ang PHIVOLCS na ligtas na ang sitwasyon.