-- Advertisements --

Nagpahayag ng pangamba ang mga civil society organizations sa Asya hinggil sa isinasagawang energy policy ng Asian Development Bank (ADB), na umano’y masyadong minamadali at kulang sa transparency.

Ayon sa NGO Forum on ADB, isang regional network ng mahigit 250 organisasyon, tatagal lamang ng tatlong buwan ang review period—isang panahon na hindi umano sapat para bumuo ng polisiya na magtatakda ng direksyon ng ADB sa enerhiya at klima sa susunod na dekada.

Nanawagan ang grupo para sa isang transparent, demokratiko, at fossil fuel-free na polisiya. Binalaan din nila na maaaring humantong ito sa mga proyektong makasisira sa kapaligiran tulad ng fossil gas plants, mega-dams, at waste-to-energy incinerators.

Ibinahagi pa ng grupo ang epekto ng Bagyong Wipha (Crising), na nagpaapaw ng baha sa Metro Manila, nagpalikas ng mahigit 90,000 katao, at nakaapekto sa mahigit 800,000 katao sa Pilipinas at Vietnam. Umabot kasi sa 350,000 sundalo ang dineploy sa Vietnam dahil sa inaasahang malawakang pagbaha.

Giit pa ng mga CSO, ang pagmamadali sa review ay maaaring magpatuloy sa mga sistemang nagdudulot ng sakuna, polusyon, at mas malalaking utang para sa mga bansa sa Asya kabilang ang Pilipinas na hirap nang makabangon mula sa epekto ng krisis sa klima.