CENTRAL MNDANAO – Patay ang isang estudyante at sugatan ang kasama nya sa pamamaril sa syudad ng Cotabato.

Nakilala ang nasawi na si John Paul Demasicil,15 anyos at grade 9 student ng Norte Dame High School Department.

Sugatan naman ang kasama nito na si Samarudin Bagundang,kapwa mga residente ng Cotabato City.

Ayon sa ulat ng pulisya lulan ang mga biktima sa motorsiklo at umiwas umano ito sa Army Checkpoint.

Nag-warning shot ang mga sundalo ngunit hindi tumigil sina Demasicil at Bagundang kaya binaril ito ng isang sundalo gamit ang M14 Rifle.

Hindi na umabot ng buhay si Demasicil nang tamaan ng bala sa kanyang tagiliran at daplis lamang sa dibdib si Bagundang.

Kwento ni Bagundang na pagdating nila malapit sa Army Checkpoint ay bumalik umano sila dahil nakalimutan nyang dalhin ang kanyang Drivers License.

Sa ngayon ay nais ng pamilya ng mga biktima na ma-imbestigahan ng pulisya at ng 6th ID ang naturang pangyayari kung saan handa silang magsampa ng kaso sa sundalong namaril na myembro ng 5th Special Forces Battalion.