Nalubog sa baha ang 38 mga lugar sa Luzon bunsod ng mga pag-ulan dala ng bagyong Bising at habagat.
Sa kabila nito, iniulat ni Office of the Civil Defense (OCD) officer-in-charge ASec. Bernardo Rafaelito Alejandro IV na walang napaulat na nasawi o nawawalang mga indibidwal sa ngayon.
Ipinunto din ng opisyal na walang malawakang insidente ng baha ang naitala hindi tulad noong mga nakalipas na magkakasunod na bagyong tumama sa bansa noong 2024.
Kayat minor lamang aniya ang epekto ng mga pagbahang naranansan.
Sa kabila nito, binabantayan ng ahensiya ang sitwasyon sa lalawigan ng Pangasinan dahil sa posibilidad ng pag-apaw ng Agno River na maaaring magdulot ng mga pagbaha sa mga karatig na lugar.
Una rito, kaninang alas-5:00 ng umaga, tuluyan nang lumabas ng bansa ang bagyong Bising matapos muling pumasok ito sa Philippine Area of Responsibility nitong gabi ng Linggo.