Naglabas na ang Energy Regulatory Commission (ERC) ng refund order para ibalik ng Meralco ang sobrang nasingil sa kanilang consumers para sa panahon ng enhanced community quarantine (ECQ).
Kasunod ito ng pagdami ng mga reklamo laban sa napakataas na bayarin ng mga residente ng Metro Manila at mga karatig na lugar.
Ayon kay ERC Chairperson Agnes Devanadera, inoobliga nila ang Meralco na magkaroon ng pagsasa-ayos sa meter reading at magsauli ng mga sumobrang bayad.
Ngayong araw, umaabot na sa 50,000 ang mga nagsumite ng reklamo ukol sa usaping ito.
Maging si Devanadera ay aminadong nagulat nang makita ang kaniyang power bill, dahil sa labis na itinaas nito kumpara sa dati niyang binabayaran.
Ilang tauhan din ng ERC ang umaming naging biktima sila ng sobra-sobrang paniningil ng Meralco.