-- Advertisements --

Pabor si Senador Erwin Tulfo sa naging hakbang ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ilipat ang pondong nagkakahalaga ng ₱36 bilyon, na orihinal sanang nakalaan para sa flood control projects, patungo sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa susunod na taon.

Layon ng hakbang na ito na magamit sa ibang paraan ang pondo ng pamahalaan, partikular na sa pagtulong sa mga nangangailangan.

Ayon kay Tulfo, mas makabubuti at mas makatarungan na mapunta ang nasabing pondo sa mga mahihirap at nangangailangan nating mga kababayan.

Nais ni Pangulong Marcos na gamitin ng DSWD ang inilipat na flood control fund para sa Assistance for Individuals in Crisis Situation (AICS), isang programa na nagbibigay ng tulong pinansyal sa mga indibidwal na dumaranas ng krisis, at sa Sustainable Livelihood Program (SLP), isang programa na naglalayong tulungan ang mga mahihirap na magkaroon ng sariling pagkakakitaan.

Naniniwala si Senador Erwin na maraming mga walang hanapbuhay na Pilipino ang mabibigyan ng pagkakataong magkaroon ng sariling kabuhayan sa pamamagitan ng SLP ng DSWD.

Sa kabila naman ng mainit na usapin tungkol sa kontrobersiya sa flood control corruption at sa isinasagawang budget hearings sa Senado, nanawagan si Senador Erwin sa kanyang mga kapwa mambabatas na huwag kalimutan at bigyang pansin din ang iba pang mga problema na kinakaharap ng mga Pilipino. Hiniling niya na hanapan din ng solusyon ang problema sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain, ang kahirapan sa pagpapagamot dahil sa mataas na halaga ng mga gamot at serbisyong medikal, at ang kawalan ng access sa edukasyon at trabaho ng maraming Pilipino.

Giit ni Tulfo, nariyan naman ang Independent Commission for Infrastructure (ICI), ang Department of Justice (DOJ), at ang National Bureau of Investigation (NBI) para matukoy at imbestigahan ang iba pang mga sangkot sa kontrobersiya sa flood control.