Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang legal team na pag-aralan ang pagtatalaga kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong bilang special adviser sa Independent Commission for Infrastructure (ICI), na binuo para imbestigahan ang maanomaliyang infrastructure projects sa nakalipas na 10 taon.
Ito ay matapos na lumutang ang posibleng isyu sa conflict of interest sa papel ni Mayor Magalong sa independent commission at bilang kasalukuyang alkalde.
Ayon kay Palace Press Officer USec. Atty. Claire Castro, pinag-aaralan ng legal team ang naturang usapin upang maiwasan ang paglabag sa batas.
Tinitignan din aniya ng mga abogado kung saan mas mainam na ilagay o isama si Mayor Magalong para mapanatili ang independence ng komisyon.
Matatandaan, nauna ng itinalaga ng Pangulo si Mayor Magalong bilang special adviser sa ICI matapos magpresenta ang alkalde ng sarili niyang mga nakalap na impormasyon o datos at imbestigasyon sa umano’y anomaliya sa flood control projects sa kaniyang nasasakupan.
Ngayong linggo din, umani ng kontrobersiya ang konstruksiyon ng P110 million tennis court at parking building sa Baguio city matapos na lumabas na in-award ito sa St. Gerard Construction General Contractor and Development Corporation, na isa sa mga kompaniyang konektado sa mag-asawang Discaya na sentro ngayon ng kontrobersiya sa flood control projects.
Subalit nilinaw ni Mayor Magalong na dumaan sa legal procedures ang lahat ng naging aksiyon ng Bids and Awards Committee at implementing offices.