-- Advertisements --
Eleazar 1
NCRPO chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar

Tuluyan nang sinibak sa pwesto bilang hepe ng Eastern Police District (EPD) si P/BGen. Christopher Tambungan.

Ito’y kahit pa ongoing ang imbestigasyon sa kinakaharap nitong kaso nang saktan nito si P/Cpl. April Santiago na naka-assign sa Greenhills Police Community Precinct.

Ayon kay NCRPO Director, P/MGen. Guillermo Eleazar, nakapagpasya na ang pamunuan ng PNP at ang “administrative relief” na ipinataw kay Tambungan ay gagawin nang permanente.

Sinabi naman ni PNP Spokesman, P/Col. Bernard Banac na epektibo nitong Martes uupo na sa puwesto bilang bagong hepe ng EPD si P/BGen. Nolasco Bathan na dating deputy director for operations ng Police Regional Office-4A.

Samantala, sinabi naman ni Banac na maliban kay Tambungan, ay nagpatupad din sila ng balahasan sa ilang opisyal.

Si P/Col. Domingo Cabillan na mula sa PNP Finance Service ay malilipat bilang Acting Deputy Director for Administration ng Police Regional Office 11.

Habang ang dating Deputy District Director ng EPD na si P/Col. Florendo Quebuyen ay itinalaga naman bilang Acting Executive Officer ng Directorate for Research and Development Office.