BUTUAN CITY – Pinangunahan ni Department of Science and Technology o DOST Secretary Renato Solidum ang pagbukas sa tatlong-araw na pagdiriwang ng Regional Science and Technology Week.
Kasabay ng selebrasyon ang pagpapakita ng mga adbokasiya sa agham at teknolohiya sa pamamagitan ng wealth creation, wealth protection, human well-being, at sustainability kung saan tampok ang iba’t ibang programa at proyekto ng DOST-Caraga.
Ipinagmamalaki rin ang mga produkto ng mga Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) nitong rehiyon na natulungan ng ahensya upang mapa-unlad ang kanilang mga produkto—hindi lamang sa aspeto ng labelling at packaging, kundi pati na rin sa nilalaman nito upang maiwasan ang food poisoning.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Secretary Solidum ang kahalagahan sa pagtanggap ng artificial intelligence upang magamit ang mga makabagong teknolohiya na mahalaga sa kaunlaran.
Nilinaw din ng kalihim na ang AI ay hindi papalit sa trabaho ng mga tao, bagkus ito ay makatutulong upang maging mas epektibo at episyente ang takbo ng trabaho.